BUENDIA

Written by: Harmony Valdoz (Contributor Writer)

“’Ma, dun nyo po ako ibaba sa Buendia, ha? Pupunta ako sa GSIS.” tinig ng isang matandang tila nag-aalala.

“Oo nga po, lola. Dun naman po tayo unang titigil eh.” Sagot ng drayber, medyo naiirita. Makailang beses na siguro itong kinulit ng lola.

Nagsimulang umandar ang bus.

Inilabas ng matandang babae mula sa kanyang bayong ang isang kaluping bitak-bitak na ang katad. Mula rito ay humugot sya ng rosaryo.

Isinandal ng lola ang kanyang ulo at ipinikit ang malalamlam na mga mata. Gamit ang kanang kamay, unti-unting gumalaw ang kulubot nyang mga daliri sa bawat butil ng rosaryong kumakatawan sa mga dasal at misteryo.

Tahimik. Taimtim. Nagsusumamo sa kanya.

Ganoon siguro talaga, nagiging relihiyoso kapag matanda na.

Makaraan ang isang oras, huminto ang bus at nagsalita ang konduktor.

“O, De la Rosa! Buendia! ‘La, dito na po kayo.”

Tumingin ang matanda sa kanyang paligid. “Buendia na ba? Sa GSIS ang lakad ko eh.” Tanong niya na may pag-aalangan. Akala siguro ay niloloko sya. O baka hindi nya lang talaga alam kung saan pupunta.

Sumabad ang ilang mga pasahero.

“Sa GSIS? Sakay po kayo ng jeep papuntang Pasay.” Sabi ng isa.

“Dapat po kasi may kasama kayo eh.” Komento naman ng ilan.

Sumagot ang lola bago tuluyang bumaba, “Ako lang mag-isa ang lalakad. Ayaw akong samahan ni Minyong, may TB kasi ako.”

At napuno ang bus ng katahimikan.

Kung sino si Minyong? Isang misteryong di na malalaman.

Editor’s Note: Harmony Valdoz is a student journalist of The Manila Times College. She is also an Editor-in-Chief of the school’s online publication, The Muralla. To see more of her and the student’s work visit: www.themuralla.com.

Related posts